Mga Sakit sa Pana-panahon

Tagsibol

Hay fever

Kung nangangati ang mga mata, at hindi tumitigil ang pagtulo ng sipon, hay fever siguro ito. Tinatawag na hay fever ang allergy sa partikular na uri ng pollen (Japanese cedar, cypress at iba pa), at maraming tao sa Japan ang mayroon nito. Maaari ring bilhin sa drug store ang gamot para sa hay fever, ngunit inirerekomenda ang pagpunta sa doktor (ear, nose and throat doctor o allergy specialist), pagpapagamot at pagkuha ng allergy test. Magsuot ng face mask at protection goggles, para mapagaan ang sintomas.

Tag-init

Heat stroke

Mainit at lubhang mataas ang humidity kapag tag-init sa Japan, at kapaligiran itong madaling magkaroon ng heat stroke. Kailangan ang pag-iingat lalo na sa mga bata at matatanda. Sakit ng ulo, pakiramdam na masusuka, pagkahilo at iba pa ang mga sintomas, ngunit maaari ring mawalan ng kamalayan kung malala. Madaling magkaroon ng sintomas kapag nag-eehersisyo nang nakabilad sa araw, kapag matagal na nasa labas, kapag biglang lumabas sa init mula sa preskong silid at iba pa. Mabisa ang madalas na pag-inom ng tubig at ayon sa kaso, ang pagpuno ng asin sa katawan.

Dengue fever

Hanggang kamakailan, halos walang kaso nito sa Japan, ngunit may natiyak sa ilang lugar noong 2014. Nahahawa rito sa pamamagitan ng lamok. Nagkakaroon ng mataas na lagnat, at may matinding pananakit ng mga kasukasuan. Dahil walang epektibong bakuna para sa dengue fever, ang pag-iwas sa lamok ang pinakamabuting paraan ng pag-iwas sa pagkahawa. Mabisa ang mga spray ng insect repellant na ginagamit sa balat.

Taglamig

Influenza

Laganap sa taglamig ang sipon at influenza. Madaling kumalat ang pagkahawa lalo na sa mga urban area. Makakabili ng basic na gamot sa convenience store at drug store, ngunit mataas ang posibilidad na mas mahina ang mga ito kaysa sa mga itinitinda sa Europe at Amerika. Kung malala ang inyong kondisyon, inirerekomenda ang pagpapatingin sa ospital. Sa maraming kumpanya at paaralan, nagbibigay ng tagubiling huwag lumabas ng bahay kapag mayroong influenza para mapigil ang pagkalat ng virus. Kapag kailangan talagang lumabas ng bahay, magsuot lamang ng face mask. Maaaring kumuha ng bakuna sa influenza mula sa taglagas, at maaaring magpabakuna taon-taon para makaiwas sa sakit.

Norovirus

Pinakalaganap na virus sa taglamig ang norovirus na nagdudulot ng pagsusuka, pagtatae at lagnat. Mula sa umpisa, nagpapatuloy ang mga sintomas nang mga 1 linggo. Upang maiwasan ang dehydration, mahalaga ang pag-inom ng tubig. Lubhang mabisa sa pag-iwas ang paghuhugas nang mabuti ng mga kamay gamit ang sabon at pagdidisimpekta ng mga kamay sa pamamagitan ng alkohol. Kailangang initin at lutuin nang husto ang shellfish. Dapat linisin ng alkohol o mainit na tubig ang mga kagamitan sa kusina.